“Relasyon” by Ishmael Bernal

film-0021-relasyon

Taong 1982. Lumikha ng ingay at nakatanggap ng maraming pagkilala at pagpupuri ang isa sa mga obrang nilikha ni direktor Ishmael Bernal. Kalagitnaan ng taon nang ipalabas ang pelikulang Relasyon na pinangungunahan nina Vilma Santos at Christopher de Leon.

Lubos akong sumasang-ayon na isa si Ishmael Bernal sa mga magaling at malikhaing director sa kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas. Sa relasyon, ginamit niya ang kanyang galing at talino sa pelikula upang makalikha ng ingay- isang babaeng kailangan gumawa ng pinakamahirap na desisyon sa kanyang buhay- na kung saan ay magbubuo ng tensyon na sasabog sa pagtatapos ng pelikula. Nabigyang diin ni Bernal ang mga suliraning kabit at diborsyo na alam nating hindi naman legal sa ating bansa.

Ito’y mula sa istorya at dulang pampelikula nina Ricky Lee, Ishamel Bernal at Raquel Villavicencio. Pang araw-araw ang drama ng “Relasyon”. Maganda ang pagkakasulat ng nito. Kadalasa’y kontrabida ang mga kerida sa pelikula. Taliwas sa imaheng ito ang ipinamalas sa Relasyon. Hindi maiiwasang magkaroon ng simpatiya ang mga manonood sa mga pangyayari sa buhay ni Marilou. Sa aking palagay ay mas makabuluhan ang pamagat na Relasyon dahil higit na malalim ang sinasakop nitong kahulugan. Simple lang ang istorya nito. Ang paguusap ng mga karakter sa storya ay nanghihikyat sa mga tagapanuod na sumang-ayon base sa kani-kanilang paniniwala. Karamihan sa eksena ay nagpapakita na sila ay masaya sa pagpamamahal ng isa’t isa ngunit ang batuhan ng mga linya ay nagpapahayag magkaibang ideya. (video “Ikaw lang ang iniintindi mo” linya ni Christopher, “Ako rin, may ego”, sagot ni vilma)

Maganda ang twist ng storya. Sa umpisa’y para silang mga bagong kasal pero nang tumagal na, doon nagkaproblema si Marilou. Sa paningin ni Emil ay naging mapaghanap ang babae at tinatangkang baguhin siya. Hindi nakatagal si Marilou sa isang relasyong “taken for granted” na siya. Naghiwalay ang dalawa. Bumalik ang asawa ni Emil. Pero dahil tunay na minamahal ni Marilou si Emil ay ipinasya na niyang maging kerida kaysa ganap na mawala ito sa kanyang buhay. Pero hindi lumigayang habang buhay si Marilou. Namatay si Emil at ang kanyang bangkay ay inangkin ng tunay niyang misis. Ipinasiya ni Marilou na humanap ng bagong buhay sa Amerika.

Makatotohanan ang akting sa pelikulang ito. Hindi lamang isang larawan. Sila’y mga karakter na marahil ay mga kapitbahay natin. Ipinamalas ni Bernal ang kanyang kakayahan sa pagpapagalaw ng mga artista. Hindi lang akting ang mapapanood mo. Ang nakikita mo ay ang tunay na takbo ng buhay.

Napakahusay ni Vilma Santos sa papel ng pangunahing tauhan, isang dalagang umibig sa isang may asawa. Kaisa-isa siyang anak. Edukada at masasabing liberated o mayroong malayang kaisipan. Sa pamamagitan ng konserbatibong ama ni Vilma ay masusuri natin ang kanyang pamilya at kung paano niya haharapin ang mga situwasyon sa buhay.

Nananatili si Christopher bilang isa sa iilan nating mahuhusay na kabataang actor. Makakalimutan mo na siya ay isang artista at ikaw ay ganap na mabibihag ng karakter na kanyang binubuhay sa aninong gumagalaw.

Ipinakita ng “Relasyon” ang lahat ng mga anggulong maaaring suutan ng isang babaing nagiging kerida. Maraming madamdaming tagpo sa pelikula, lalo na ang death scene ni Christopher de Leon na matindi ang pagkakakuha. Bagay na bagay kay Jimi Melendez ang papel niya bilang torpeng manliligaw ni Vilma.

Technically, kung cinematography ng pelikula ang pag-uusapan nangingibabaw ang kulay pula sa relasyon. Ito ay nagpapahayag ng init o tensyon na nangyayari sa pelikula. Ang galaw ng camera ay nagbibigay anino sa mga actor. Ang ibang kuha ay out of focus na nagpapakita na mayroong mali o problema sa na unti-unting mamumuo sa eksena. Para sa akin, ito ay isang malikhain at kakaibang paraaan upang bigyang ng ibang approach ang pelikula. Isang napakagandang kuha ng eksena ang pagkamatay ni Emil na kung saan mahigit isang minutong walang cut ang kuha ng camera.

Hindi masyado gumamit ng scoring ang pelikula. Sa katunayan maraming eksena ang may dead air hindi para mabore ang taga-panuod pero para gumawa ng tensyon sa paguusap ng mga actor.

Masasabi kong nasa middle class ang target ng production designer. Maganda ang pagkakaayos nito lalo na sa bahay ni Emil at Marilou. Pinaka gusto kong setting ay ang magulong kusina na kung saan ang eksena ay nagbabasag ng plato si Marilou.

Ang pagkakaedit ng pelikulang relasyon ay medyo hindi consistent. Maraming jump cuts na nagpapagulo minsan sa takbo ng storya. Meron din mga eksena na sa tingin ko ay hindi naman importante at kumakain lamang ito ng oras sa pelikula. Sa kabila nito ang galing ng pagbibigay-diin sa mga eksena kung saan nagmamake-up si Marilou. Ilang beses ito inulit sa pelikula. Ito ay nagpapakita na gaano man make-up ang ilagay mo sa iyong mukha kung ikaw ay isang kabit, mananatili ka pa ring kabit sa mata ng ating lipunan.

Higit sa lahat, sa pamamagitan ng huling eksena, ang pagsasara ni Marilou sa pinto ng kanilang bahay, ang pugad ng kanilang “relasyon”, ipinapakita na ang ganitong relasyon ay may hindi maiiwasang magwakas tulad ng sa tunay na buhay. Maaaring kamatayan o isang panibagong relasyon. Kung ang isang lalaki ay may-asawa, at mayroon na siyang relasyon o nagbabalak pa lang magkaroon ng relasyon sa ibang babae, dapat niya itong panoorin ng dalawang beses. Una, kasama ang kanyang misis at ikalawa, kasama angkanyang no. 2 o magiging ka-relasyon.

You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can leave a response, or trackback from your own site.
Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>